Kasama ang UPSLIS sa taunang Paligsahan at Parada ng mga Parol na ginanap nitong Miyerkules, ika-18 ng Disyembre 2024. Ito ay kasama sa mga aktibidad at pagdiriwang ng UP Diliman sa pagtatapos ng taon na may pangkalahatang tema na Nilay at Sikhay. Binibigyang diin ng tema "ang pananatili ng UPD na nakatindig at matatag sa kabila ng mga pagsubok at patuloy na pagharap nito sa mga hamon bilang isang akademikong institusyon at komunidad. Ngayong taon, ipagbubunyi ng UPD ang mga nakamit nitong tagumpay at pagninilayan ang mga kailangan pang tugunan. Dagdag pa rito, binibigyang-diin din na makakamit lamang ng Pamantasan ang mga mithiin at adhikain nito kung sasabayan ito ng “pagsikhay ang pagninilay, ng paglikha ang pagsasadiwa, at ng paggawa ang pagpuna.”"
Ang parol ng UPSLIS ay gawa ng mga magaaral sa pamumuno ng SLIS Student Council at gabay nila Katuwang na Propesor Maria Maura "Em" Tinao at Ginoong Michael Amandy.
Sa paglikha ng parol na ito, pinanday ang bawat detalye upang magsilbing paanyaya sa mas malalim na pagninilay at masigasig na pagsikhay — isang sagisag ng sama-samang paglalakbay ng bawat iskolar ng bayan. Hango sa tradisyunal na anyo ng belen, ito ay nagsisilbing paalala na ang karunungan at pagbabago ay nagsisimula sa mga simpleng hakbang, mula sa malalim na pagninilay at walang sawang pagsisikap.
Ang bubong at haliging kawayan ay sumasalamin sa matibay na pundasyon ng ating mga pinapahalagahan—ang edukasyon, sakripisyo, at pagkakaisa. Ang apoy na nagniningning sa gitna ng parol ay simbolo ng liwanag ng karunungan, isang gabay na nagmumula sa mga kolektibong pagsusumikap. Ang dalawang pigura sa magkabilang panig ng apoy ay nagpapakita ng balanse ng pag-iisip at aksyon, na siyang nagbubukas ng daan patungo sa tagumpay.
Isa itong paalala na ang liwanag ng pagbabago ay ipinanganak sa mga tahimik na sandali ng pagninilay at sa walang sawang pagsisikap.
Maligaya at maliwanag na pagtatapos ng taong 2024 sa inyong lahat!
Published: 2024-12-19 04:12:10