Planado na ang lahat. Noong araw na nalaman ko na hindi ako nakapasa ng UPCAT, kinausap kaagad ako ng aking kapatid para sa Plan B ang pag-aaral ng isang taon sa ibang paaralan at ang paglipat sa UP. Akala ko noon ay madali ang prosesong ito; ngunit nagkamali ako. Hindi ko alam na sa paglipat ko pa lamang na ito magsisimula ang tila kalbaryong bubuniin ko dito sa Unibersidad. Aaminin ko, hindi LIS ang kursong noon ay pinapangarap ko. Ang Kuya ko ay nakapagtapos ng Engineering samantalang ang Ate ko ay nakapagtapos naman ng European Languages. Pinangarap ko ring maging inhinyero sapagkat marami akong kilalang kumukuha nito, ngunit noong akoy nagtanong ng mga requirements ay kinakailangan pala ng mataas na grado sa matematika at siyensiya. Noong makita ko iyon, nalaman kong wala na akong pag-asang maging inhinyero. Ninais ko rin pumasok sa EL ngunit nakita ko rin na ang kinakailangang average upang makapasok dito ay 1.75. Ang GWA ko, sa maniwala kayo at sa hindi, ay 1.77. Nawalan na rin ako ng pag-asang makapasok ng EL.

Marami-rami akong kursong nais kunin; ngunit kagaya ng sa Engineering at EL, puro sila hindi pasok sa GWA o sa grado ko. Ang natira sa akin ay LIS, Public Administration, at Food Tech. Sa tatlo, sa SLIS lang ako napalista sa interview.

Tandang-tanda ko pa rin noong araw na ako ay in-interview. Pagpasok ko sa IT Apps, tatlong naggagandahang kababaihan ang tumambad sa akin: sina Maam Rhea, Maam Iyra, at ang noong College Secretary na si Maam Nats. Sa loob-loob ko, nagkamali yata ako ng pinasukang kuwarto. Hindi yata interview para sa admission ang napasukan ko kundi interview at question and answer para sa Miss Universe. Sabi ko sa sarili ko, Sh*t, hindi man lang ako nakapag-prepare. Kung alam ko lang, nagpamake up sana ako.

At nakapasa ako. Ang tuwang aking naramdaman ay maihahalintulad sa taong tumama sa lotto literal akong napatalon at napaluha sa saya. Hindi ko alam kung anong nasa isip nina Maam Nats at ipinasa ako samantalang nakipagtawanan lang ako sa kanila noong interview. Tandang-tanda ko pa noong tinanong nila ako kung ano ang pagkakaintindi ko sa Library Science, sinabi ko ang Wikipedia definition. Hindi ko pa noon alam ang mahigpit na pagbabawal sa pagsisipi sa Wikipedia. Confident na confident pa naman ako noong sinabi ko iyon. Tinanong rin nila ako kung bakit nila ako kailangang ipasa, sinagot ko sila ng, Ive got the wits. Puno man ang sagot ko ng kayabangan, pero aaminin ko na hanggang ngayon ay hindi ko pa rin alam kung saan nanggaling ang sagot kong iyon.

Kung sacrilege na ihambing ko ang hirap ko sa UP sa mga estasyon ni Kristo, ikalawang estasyon yata ang enrolment. Bilang transferee, huli na akong na-admit sa Unibersidad. Natapos na ang dalawang batch run ng CRS, at wala akong nakuha kahit isa mang subject. Kaya naman isang linggo akong nagprerog para lamang makakuha ng anim na subject o 18 units na siyang normal na load para sa isang semestre. May araw na makakakuha ka kaagad ng klase, may araw naman na pipilahan mo na nga ng maaga, ngunit mauubusan ka pa ring talaga. Tandang-tanda ko noon nung ikatlong araw ng prerog na wala akong nakuha kahit isang subject. Sa sobrang pagod ko noon ay hindi ko napigilang umiyak. Akala ko ay katulad ito sa dati kong paaralan kung saan nakahain na sa iyo ang mga kukunin mong subjects kada semestre. Mali pala ako. Kahit pa nasabihan na ako ng mga kapatid ko na ganito talaga ang enrolment sa UP, hindi ko inakalang ganoon pala kahirap ang nakalaan sa akin. Hunger Games, kumbaga.

Nagdaan pa ang ikatlo, ika-apat, ikalima hanggang sa marami pang kalbaryo. Maniniwala ba kayo sa sa unang semestre ko pa lamang ay nakatikim na kaagad ako ng INC? Wala mang bagsak, panay 2.00 pababa naman ang nakuha kong mga marka. Tinanong ko ang sarili ko, Tama kayang lumipat pa ako sa UP? Tama kayang nasa college ako na hindi ko naman gusto? Second year First sem, LIS 61, noon nang dumating ako sa puntong ninais kong i-cancel na lang lahat ng LIS courses ko at lumipat sa ibang kolehiyo sa CSSP, sa PolSci, sa Socio o sa Anthro kung saan mas nakikita ko ang sarili ko. Noon kasi ay nababalitaan ko nang mahirap ang 61. Lalo pang nadagdagan ang takot ko noong makita ko ang syllabus ni Maam Faderon dalawang back-to-back na papel at detalyadong-detalyado. Naisip ko noon, Para saan ba ang paghihirap ko sa kursong hindi ko naman gusto? Ngunit napatunayan kong mali pala ang husgahan ang isang bagay sa simula pa lamang. Sa huli ay nakakuha ako ng 1.25 sa 61 sa subject na nooy labis kong kinatakutan.

Nagdaan pa ang ilang mga semestre. Ilang LIS majors pa ang aking nakuha. Noong una ay panghihinayang lamang ang nagpipigil sa akin upang lumipat sa ibang kolehiyo. Naisip ko, sayang naman ang panahon at perang ibinayad ko sa mga subjects na iyon. Anim na LIS subjects rin yun. P18,000. Ngunit alam kong self-denial lang ang lahat ng iyon. Unti-unti akong nahulog at na-in love sa SLIS. At sa huli, bumigay din ako. Kung nooy hindi ako madalas makita sa SLIS, ngayon, hindi man madalas, ngunit visible na ako. Sinubukan ko ring makilahok sa mga gawain sa SLIS lantern parade, LIS Wizard, pati nga ang pagiging Chairperson sa Student Council ay pinasok ko rin. Hindi man ako pinalad, maligaya ako dahil alam kong masaya ang komunidad kong kinabibilangan isang pamilya na alam kong kasapi ako. Sa puntong iyon, alam kong tama ang desisyon kong huwag lumipat at umalis. At sa unang pagkakataon sa aking buhay, alam kong tama ang desisyong pinili ko; alam kong tama ang landas na tinatahak ko.

Ngunit hindi doon nagtatapos ang lahat. Ang ikalabing tatlong estasyon ang pinakamamahal nating thesis. Akala ko at muntik na akong maniwala na hindi ako aabot sa pagtatapos na ito. Nasayang ang isang sem na inilaan ko para sa proposal ko dahil napalitan rin naman ito. Hindi daw kasi LIS related. Kahit anong pilit namin, hindi talaga lulusot. Sabi ni Maam Kate sa akin, Sa kabilang buhay mo na lang gawin ang proposal na yan. Parang gumuho ang pangarap ko. Naisip ko, paano ako ga-graduate nito? Ngunit may mga bagay talaga sadyang makukuha kung magtitiyaga ka at may mga bagay na hindi mo makakamit kung susuko ka. May mga bagay na anumang bigat ay sadyang gagaan kung naririyan ang mga taong handang tumulong sa atin ang ating mga guro at thesis advisers na handang makipagsabayan sa ating magpuyat maihabol lamang sa deadline ang ating mga sinulat. [Sa puntong ito, pasalamatan at palakpakan natin sila.]

At ngayon, naririto ako sa inyong harapan. Sa likod ng bawat hirap ay isang matamis na tagumpay. Sa likod ng bawat hinagpis ay isang liwanag tungo sa pagkamit ng pangarap. Isang walang kapantay na ligaya na produkto ng pawis, hilahil, at pagtitiis.

Ito ay hindi ko lamang kuwento ito ay kuwento niyo rin. Iba-iba man ang bawat nating napagdaanan, iisa ang landas na ating patutunguhan ang ating huling estasyon, ang ating pagtatapos. Ito ay throwback nating lahat na nagpapaalala sa atin kung saan tayo nagsimula at kung paano rin tayo magsisipagtapos. Ito ay isang paalaala sa atin na sa simula pa lamang ay hindi madali ang susuungin natin upang makaligtas sa kahibangang maaaring kahantungan natin dito sa Unibersidad. Ito ay isang paalaala na sa UP ay maaari tayong magkamali, bastat matutunan nating bumangon at lumabang muli. Naalaala ko pa ang sabi ni Sir Igor noong unang Freshman Orientation ko sa SLIS, Ang buhay sa UP ay parang pag-inom maaari kang magsuka ngunit hindi ka maaaring matumba. Tama nga. Ang buhay sa UP ay hindi madali. Sabi-sabi nga ng mga matatanda, mahirap makapasok ng UP; pero mas mahirap ang makalabas. Ngunit sa tamang gabay ng ating mga guro, magulang, at mga kaibigan, siguradong tayo ay magtatagumpay tayo at sa-Sablay.

Hindi lamang tuwing Huwebes ang throwback, o tuwing Biyernes ang flashback. Ang buhay ay isang malaking throwback ng mga pangyayari sa ating buhay. Dalhin natin araw-araw ang ating mga natutunan simula sa LIS51 hanggang sa 200, mula sa ating mga GE at electives. Alalahanin natin arawaraw ang gabay ng ating mga guro, ang payo ng ating mga kapatid at magulang, at ang mga sagot sa problemang minsang idinulog natin sa ating mga kaibigan. Gunitain natin ang bawat paghihirap natin sa Unibersidad na siyang nagpapaalaala sa ating mas mahalaga ang dangal kaysa kahusayan na kahit kailan ay palaging nauuna ang honor kaysa excellence.

Sinabi ni John Lennon sa kaniyang kantang Borrowed Time, The more that I see, the less that I know for sure. The future is brighter and now is the hour. Ngayon na ang tamang panahon! Bitbit ang lahat ng ating karanasan, tayo ay tumindig para sa panibagong bukas. Sama-sama tayong makibaka at itayo natin ang bandera ng mga bagong laybraryan ng bayan. Baguhin natin ang tingin sa atin ng karamihan na tayo ay isang laybrayan lamang. Alisin natin ang salitang lamang! Buong puso nating sabihin tayo ay laybraryan. Tayo ay tagapamahala, tagapagbigay, at tagagawa ng impormasyon at kaalaman. Tayo ay tagahubog ng karunungan. At hindi biro ang ating propesyon ito ay nangangahulugang pagbibigay ng ating buong makakaya upang matugunan ang bawat uhaw sa karunungan.

Sa LIS51 minsang itinanong sa atin, What is the essence of being a librarian? Bagamat hindi ko alam ang sagot noon, sa loob ng apat na taon ko bilang mag-aaral ng SLIS, natutunan kong ang esensiya ng isang laybraryan ay ang walang-pag-iimbot na pag-aalay ng sarili para sa karanungan. Ang pag-intindi sa paghahangad ng iba na makamit ang tamang kaalamang kinakailangan nila. At salamat sa LIS181, mas natutunan kong mahalin ang propesyong ito higit pa sa unang beses akong tumapak sa gusali ng Gonzales Hall.

At ngayon, sa ating pagtatapos, ipangako nating hindi dito matatapos ang lahat. Ipangako nating hindi tayo titigil sa paghahangad ng mga bagong kaalaman at karunungang magagamit natin upang mas mapayabong natin ang ating propesyon. Patuloy nating hanapin ang higher intellectual pleasure na natutunan natin sa piloposong si John Stuart Mill. Huwag tayong titigil na maging mabuti. Huwag tayong titigil upang mas maging magaling.

Sa ating mga kapamilya, magulang, at kapatid, maraming salamat sa walang sawa niyong pagintindi sa amin. Sa loob ng apat na taon [at higit pa], kayo ang naging sandigan namin upang ipagpatuloy ang aming mga simulain.

Sa ating mga kamag-aaral at kaibigan, maraming salamat sa walang humpay na ligayang ating pinagsamahan. Salamat sa pagdamay sa bawat pagpupuyat para makapag-aral sa exam, pagka-cram ng papers, at pagbibigay ng lakas ng loob sa mga pagkakataong hindi na natin kaya ang torture na ibinibigay sa atin ng Unibersidad.

Sa ating mga guro, maraming salamat sa walang hanggang pagtitiwala. Salamat sa pagtitiyaga sa bawat naming pagkakamali, pagkakadapa, at pagkakasala. Kung hindi dahil sa inyo ay wala kami rito ngayon. Maraming salamat sa buong puso niyong pagbabahagi ng higit pa sa inyong nalalaman. Maraming salamat sa lahat.

Sa lahat ng hindi nabanggit, maraming salamat sa inyo. Salamat sa pagiging naririyan sa personal man o online sa Facebook man, Twitter o Instagram. Salamat sa walang katapusang suporta. Mahalaga kayo sa amin.

At sa Poong Maykapal, maraming salamat sa pagbibigay Mo ng biyaya ng pamilya, guro, at kaibigan. Maraming salamat sa mga panahon ikaw na lamang ang aming kayang kapitan. Maraming salamat sa paggawa ng mga bagay na imposible. Kayo po ang pinakamakapangyarihan sa lahat.

Nais kong tapusin ang talumpating ito sa pamamagitan ng pagpupugay sa ating mga sarili. Karapat-dapat lamang na tayo ay magsaya pagkatapos ng lahat ng hirap na ating natamo sa ating pamamalagi sa Unibersidad. Mabuhay tayong hindi kaagad sumuko at naniwalang kaunting tulak pa ay makakamit rin natin ang tagumpay. Mabuhay tayong hindi nagpadala sa daluyong ng kasawian at pilit na bumabangon sa kabila ng sunod-sunod na pagkakadapa. Mabuhay tayong hindi nagpatinag sa ibang nagsasabing Hindi na kaya yan o Hindi na aabot yan. Ang lahat ng pagod at puyat natin ay may katumbas na halaga. Ang lahat ng pagtitiyaga natin ay may malaking gantimpala.

Sa huli, nais kong sipiin ang tweet ni Prof. Ronaldo Tolentino ng Kolehiyo ng Komunikasyong Pangmadla, "Ang pag-ibig [ay] parang graduation: may isang pintong nagsasara, may isang pintong nagbubukas." Dalhin natin ang alab ng pag-ibig na hatid sa atin ng SLIS. Lilisan man tayo at magkakaniyakaniyang daan, dala-dala naman natin ang init ng apoy tungo sa makabagong laybraryan ng bayan. At sa pagbabalik natin, naway dalhin natin pabalik ang umusbong na karunungang ipinasa sa atin. Naway ipagpatuloy natin ang pagdaloy ng kaalamang nag-ugat sa atin. Ipagpatuloy natin ang pagsisilbi sa iba at pagsisilbi sa bayan. Ipagpatuloy natin ang pagiging Iskolar ng bayan ang iskolar na pag-asa ng bayan; ang iskolar para sa bayan!

Maraming salamat at mabuhay ang mga bagong laybraryan ng bayan! Mabuhay ang SLIS at mabuhay ang UP!

Published: 2022-03-01 16:54:17